Kabataang Agripreneurs sa CALABARZON, Nagtagisan sa Business Pitching sa ilalim ng YFC Program
Sumailalim sa Business Pitching para sa Young Farmers Challenge (YFC) Program ang mga kabataang agripreneurs sa CALABARZON sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-17 hanggang ika-18 ng Setyembre sa Tagaytay City Cavite.
Ang naturang programa ay isang financial grant assistance initiative na naglalayong suportahan ang mga kabataan sa pagtatayo at pagpapaunlad ng mga agri fishery enterprise sa rehiyon.
Layunin din ng aktibidad na matukoy ang mga natatanging agribusiness ventures na maaaring mabigyan ng suporta, pondo at mentorship bilang YFC awardees para sa regional level, kasabay ng paghubog sa kanilang kumpiyansa, communication skills at strategic thinking bilang mga batang agripreneur.
Dito ay sinuri ang mga konsepto ng kanilang mga negosyo batay sa feasibility, sustainability, market potential at alignment sa agricultural development, habang binibigyan din ang mga kalahok ng konstruktibong feedback upang higit na mapahusay ang kanilang business models.
Mula 29 na nag-presenta, pito sa mga kalahok ang makakapasok sa Start-Up Category, tatlo sa Upscale, at isa naman sa Intercollegiate Category na magpapatuloy sa susunod na kompetisyon ng YFC.
Samantala, gaganapin ang awarding ng mga natatanging kabataang nagwagi sa isinagawang business pitching para sa YFC Program sa darating na ika-7 ng Oktubre ng kasalukuyang taon.


