Kabataang Agripreneurs sa CALABARZON, wagi sa lahat ng kategorya ng YFC sa buong Pilipinas

 

 

Nagwagi sa lahat ng kategorya ng Young Farmers Challenge (YFC) Program Season 5 NationalCompetition ang mga kabataang agripreneurs ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA- 4A) sa ginanap na awarding ceremony noong ika-20 hanggang ika-24 ng Abril sa Iloilo City, Visayas.

Nanguna sa kategoryang Upscale ang Banahaw Creations ni Bb. Queen Anne Xyza A. Salayo mula saLucban, Quezon na itinanghal bilang 1st Place National Winner at nag-uwi ng halagang Php500,000. Nanalo rin sa kategoryang Intercollegiate ang SQOODLES nina Bb. Louise Gabrielle Q. Perez at Bb. Maria Regina M. Madamba mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) na nagkamit ng 1st Place sa halagang Php 500,000. Kasama nila ang mga tagapagsanay na sina G. Cris Edwin Bonalos at G. Rei Chino Pua mula sa Department of Agribusiness Management and Entrepreneurship (DAME) UPLB.

Ginawaran para sa Start-Up Food Processing Category ang Arteza Chocolate nina Bb. Jana Andrea H. Urriza at Bb. Beatrice Rheezette T. Abelieto mula sa Los Baños, Laguna na tumanggap naman ng Php300,000.00. Kabilang pa sa mga kalahok mula sa rehiyon ang KABI Delicacies ni Bb. Ashlen N. Aviles ng Gumaca, Quezon at Manlangit Vermi Production ni G. Oliverose F. de Leon ng Pakil,Laguna.

Bukod sa kompetisyon, nagkaroon din ng ibang aktibidad gaya ng business pitching, networking, atconference kung saan ibinahagi ng piling mga YFC alumni ang kanilang mga produkto, kwento, at mga oportunidad sa merkado kabilang ang iba pang mga kinatawan ng rehiyon tulad ng Hiyas Urban Mushroom Farm, Siyudad Agrikultura, at Nothing But Ube.

Si Bb. Salayo ay buo ang pasasalamat na aniya’y walang pagsisisi na kahit ilang beses natalo ay pinili nilang lumaban muli hindi lamang para sa negosyo kundi para sa mga magsasakang nagtitiwala, komunidad na naniniwala, at mga konsyumer na patuloy na pumipili sa Banahaw Creations. Samantala, patuloy na isinusulong ang YFC ng DA upang suportahan ang mga kabataang nais magtayo o palaguin ang negosyo sa agrikultura at pangingisda. Ang Start-Up ay para sa mga nagsisimula pa lamang ng agribusiness, ang Upscale ay para sa mga may kasalukuyang agribusiness na nais palawakin, at ang Intercollegiate naman ay para sa mga mag-aaral mula sa kolehiyo na may agribusiness na proyekto.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)