Aabot sa tatlumpu’t dalawang (32) Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) na binubuo ng 1,507 na magsasaka mula sa Calabarzon ang natulungan sa malawakang pagmamarket ng mga produktong agrikultural sa pamamagitan ng KADIWA Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).

Habang nagbibigay-daan ang KADIWA Program sa mga magsasaka na direktang maipakilala ang kani-kanilang produkto sa mas malaking populasyon ay isa rin itong pagkakataon para sa mga mamimili na makabili ng mga produkto sa mas murang halaga.

Ang naturang programa ay nahahati sa tatlong modalidad: (1) KADIWA Store, (2) KADIWA on Wheels, at (3) KADIWA Pop-Up Store. Ilan sa mga FCAs sa rehiyon ay sinimulan nang maisagawa ang mga ito nang sila lamang matapos masuportahan ng DA-4A na ma-link sa mga nangangailangang komunidad sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa datos, labing pito (17) sa mga samahan ay nakapagtayo na ng sariling KADIWA Store habang labintatlo (13) ang nakapagtaguyod ng KADIWA On Wheels.

Patuloy ang paghikayat ng DA-4A sa iba pang kooperatiba na makibahagi sa KADIWA at maging DA-Accredited Civil Society Organization (CSO) na pangunahing kailangan upang makinabang sa mas malaking proyekto sa ilalim ng programa.

Karaniwang isinasagawa ang KADIWA Pop-Up Store retail selling sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES), Lipa City, Batangas; San Pedro City at Los Baños, Laguna; at Metro Manila na kadalasang mula sa inisyatibo ng Department of Agriculture Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS).

Samantala, sa kamakailan lamang na pagsasagawa ng KADIWA Pop-Up Store sa LARES, Lipa City, Batangas, noong ika-16 ng Enero, limang samahan ng magsasaka ang kumita ng mahigit ₱103,270.75. Sila ay ang Southern Luzon Farmers and Traders Agricultural Cooperative (SOLUFAT), L7 Livestock and Agriculture Cooperative, The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, Buklod-Unlad Multi-Purpose Cooperative, at Lipa Beekeepers Marketing Cooperative. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)