Layunin ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) ay ang kabuuang 24,883.45 Ha. sa kasalukuyang 22,927.94 Ha. ng taniman para sa organikong pagsasaka sa rehiyon.
Ito ang isa sa isinusulong sa isinagawang Information Caravan on Organic Agriculture sa lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal, noong ika-14 hanggang ika-17 ng Pebrero.
Sentro ng pagtitipon ang pagbabahagi ng kasalukuyang sitwasyon at potensiyal ng organikong pagsasaka sa panlalawigang pamahalaan.
Upang makamit ang target, ipineresenta ng DA-4A sa pamunuan ng mga lalawigan ang pagsusulong o pagbuo ng ordinansa na naglalayong patatagin at palawigin ang industriya sa kanilang probinsya.
Nilalaman ng nasabing ordinansa ang tungkulin ng mga panlalawigang pamahalaan na mapangalagaan ang kalikasakan sa pamamagitan ng organikong pagsasaka at ang kanilang suporta na makapag-ani ng ligtas, masustansya, at sariwang pagkain para sa mga mamamayan.
Ibinahagi ni DA-4A Regional Technical Director for Research and Regulations at OAP Coordinator Gng. Eda Dimapilis na mayroon na sa kasalukuyan na 12,179 na organikong magsasaka, 373 OA na asosyasyon, 66 learnings sites, 17 3rd party certified farms, at pitong Participatory Guarantee System certified farms sa rehiyon.
Aniya, malaki ang potensiyal ng industriya sapagka’t tatlong porsyento ang naiaambag ng nito sa pangkabuuang produksyon ng pagkain sa rehiyon. Dagdag pa niya, sa tulong ng mga panlalawigang pamahalaan ay mapapalakas at mapapalawak pa ang kakayahan ng organikong pagsasaka.
Ngayong darating na Marso ay isasagawa rin ang parehong aktibidad sa lalawigan ng Quezon. ####(Jayvee Amir P. Ergino)