Kasanayan sa Estadistika, Pinalakas ng DA4A para sa mga bagong mananaliksik
Sumailalim sa pagsasanay ang mga bagong mananaliksik sa rehiyon ukol sa Practical Statistics sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Research Division noong ika-16 ng Oktubre sa Lipa City Batangas.
Layunin ng pagsasanay na ito na mapahusay at malinang ang kakayahan ng mga kalahok sa paggamit ng mga statistical analysis na pamamaraan upang matukoy ang ugnayan, at mahahalagang impormasyon na nakapaloob sa mga nakalap na datos.
Inaasahan ding mapalawak ang kaalaman ng mga mananaliksik sa paggamit ng mga istatistikal na kagamitan at software na makakatulong sa mas mabilis, sistematiko, at tumpak na pagsusuri ng datos. Kabilang dito ang wastong paglalahad ng mga resulta sa pamamagitan ng mga talahanayan, grap, at iba pang biswal na presentasyon.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa Philippine Carabao Center (PCC), Bureau of Plant Industry (BPI) at iba pang kalahok mula sa UPLB, Philippine Coconut Authority (PCA), Agricultural Training Institute (ATI), Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Cavite, Batangas at Laguna, Provincial Veterinary Office (ProVet) ng Quezon, Southern Luzon State University (SLSU), Agricultural Research and Experiment Stations mula sa Rizal, Cavite, Batangas, at Quezon.
Ipinarating ni Research Division Chief, Dr. Wilmer S. Faylon ang kanyang pasasalamat sa mga naging kalahok sa aktibidad. Aniya, ang pagdaraos ng ganitong pagsasanay ay mahalagang kasangkapan sa pagbuo ng mga kaalamang nakabatay sa datos at ebidensya, na nagsisilbing gabay sa pagbuo ng mga makabuluhang solusyon at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.


