Kauna-unahang Corn Derby Field Walk sa CALABARZON, idinaos
Idinaos sa Sariaya, Quezon ang kauna-unahang Corn Derby Field Walk ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Corn Program katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Quezon at Quezon Provincial Corn Producers Federation noong ika-23 ng Enero.
Dito ay sinuri ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang mga mais na itinanim noong Disyembre 2025 sa anim na ektaryang taniman. Ang nasabing binhi ng mais na naipamalas ay mula sa 11 kumpanya kung saan lima ang lumahok para sa mga binhi at anim naman para sa abono.
Ang mga kumpanya para sa binhi ay kinabilangan ng Dekalb Philippines/Bayer Crop Science Inc., Syngenta Phils Inc., Advanta Seeds Phil's. Inc, Corteva Agriscience, at Cornworld. Sa mga abono naman ay ang ALDIZ Incorporated, Enviro Scope Synergy Inc., JCV Worldwide Traders Corp., Gemini Agri Farm Solutions Corp., Allied Botanical Corporation, at SAGREX Corporation.
Layon ng derby na matukoy ang mga barayti ng binhi at klase ng abono na mas magpapataas ng ani at kita ng mga magmamais. Tinalakay din ang mga teknolohiya na maaari nilang isagawa sa kani-kanilang mga sakahan.
Ayon kay Raquel Sauquillo, pangulo ng Corn Growers Association of Tayabas, natuwa siya sa mga natutunan sa derby lalo na sa mga pamamaraan ng paglalagay ng abono. Aniya, maaari rin nilang maibahagi sa iba pang kapwa magmamais ito para sa ikagaganda ng pagpapalago ng kanilang tanim.
Inaasahan na sa darating na buwan ng Abril ay gaganapin naman dito ang harvest festival kung saan paparangalan na ang mga nagkamit ng panalo sa nasabing derby. Ang resulta nito ay magsisilbing batayan ng Kagawaran sa mga pagsasanay at seminar na isasagawa pa.






All content is in the public domain unless otherwise stated.