Isinulong ng Provincial Development Council ng Laguna na maaprubahan ng CALABARZON Regional Development Council ang implementasyon ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Scale-Up (DA-PRDP Scale-Up). 

Ang DA-PRDP Scale-Up ay ang mas pinalakas na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultural mula produksyon hanggang pagbebenta sa pamamagitan ng pagpondo ng mga proyektong imprastraktura o pangkabuhayan. Mas tututukan nito ang pagpapatatag ng sektor ng agrikultura, partikular sa climate change, industriya ng bigas at mais, at ang mga clustered na samahan ng mga magsasaka.

Tinatarget na matulungan ng DA-PRDP Scale-Up ang mga lokal na pamahalaan at mga samahan na nauugnay sa sektor ng agrikultura tulad ng mga maliliit na grupo ng mga magsasaka, farmers fisherfolk cooperatives and associations (FCAs), FCA clusters, processors, consolidators, atbp. 

Kung maaprubahan ito at ganap nang maipatupad sa CALABARZON, magbibigay daan ito sa pagtatayo ng mga proyekto tulad ng farm-to-market road, potable water system, tubigan, tulay, slaughterhouse, tramlines, feeder ports, postharvest o processing facilities, atbp. sa rehiyon. ### (Myrelle Joy Bejasa, PRDP 4A InfoACE)