Idineklara ng Department of Agriculture (DA) ang probinsya ng Quezon bilang Avian Influenza (AI) Free, noong ika-21 ng Pebrero, sa bisa ng Memorandum Circular No. 09 na nilagdaan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Matatandaang naitala noong ika-20 ng Hulyo taong 2022 sa probinsya, ang kumpirmadong kaso ng Highly Pathogenic AI (HPAI) Subtype H5N1 sa bayan ng Candelaria sa isang commercial duck farm.
Ang AI o bird flu ay isang nakakahawang sakit sa mga ibon na dulot ng AI type A virus ng mga domestic wild bird. Maaari itong maging sanhi ng malubhang sakit o biglaang pagkamatay ng manok, itik, bibi, pabo, kalapati, gansa, at maging ng mga alagang hayop.
Napagtagumpayan ng lalawigan ang pagsugpo ng AI sa pamamagitan ng koordinasyon ng bayan ng Candelaria sa DA IV-CALABARZON at Bureau of Animal Inudstry; at implemenyasyon ng iba’t ibang Disease Control Measures (DCMs) kagaya ng masinsinang paglilinis at disinfection ng naapektuhang lugar at pagsasagawa ng quarantine activities.
Naigawad ang AI Free Status nang malampasan ng lalawigan ang mahigit sa 40 araw na walang naitatalang kaso matapos na maisagawa ang DCMs.
Kamakailan, naideklara na rin ng ahensya ang probinsya ng Rizal bilang AI-Free noong ika-4 ng Enero matapos maging negatibo rin ang estado ng AI, sundin ang parehong alituntunin, at mga pamamaraan sa pagsugpo ng bird flu sa probinsya.
Ang mga deklarasyon ay nakabatay sa Article 10.4.6 ng World Organization for Animal Health (WOAH) alinsunod sa Avian Influenza Protection guidelines at WOAH Terrestrial Animal Health Code of 2021.
Hinihikayat ng Kagawaran ang lahat ng miyembro ng sektor ng paghahayupan na isagawa ang biosecurity measures upang pigilin, kontrolin, at pamahalaan ang lahat ng panganib sa industriya.
Ilan sa maaaring ipatupad sa farm ay ang pagpapanatiling malinis ang paligid, kulungan, at kagamitan; pagsasagawa ng sanitation at proper hygiene; paglimita sa pagtanggap ng bisita; at pagtiyak na mayroong malinis at maayos na lugar ang imbak na pagkain ng mga hayop. ####(Jayvee Amir P. Ergino, DA-4A RAFIS)