Legishear: Bawat Batas Mahalaga, inihatid sa bayan ng Laguna

 

 

Nakiisa ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) sa pangunguna ni OIC- Regional Technical Director for Research and Regulations, Ms. Maria Ella Cecilia B. Obligado sa pagdaraos ng Legishear: “Bawat Batas Mahalaga” noong ika-9 hanggang ika-10 ng Oktubre sa Calamba, Laguna.

Ang Legishear ay isang pambansang konsultasyon tungkol sa paggawa ng batas na pinangungunahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan o House of Representative.

Dito ay sinisigurado na ang mga panukalang batas ay naka-angkla sa pangangailangan ng bawat rehiyon at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino. Bahagi ng aktibidad ang isinagawang Town hall meeting kung saan tinalakay ang mga hakbang sa paggawa ng batas sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III. Naging sentro naman ng konsultasyon ang House Resolution No. 906 na naglalayong magpatupad ng pangmatagalan at pinagsamang plano laban sa pagbaha sa Laguna Lake Basin sa nasabing bayan.

Bukod dito, isinagawa rin ang Focus Group Discussion (FGD) kung saan ibinahagi ng mga kinatawan ng ahensya kabilang ang DA-CALABARZON ang mga umiiral na batas na pundasyon sa mga programa at proyekto ng Kagawaran. At ang huli ay ang pagbibigay ng serbisyo ng
bawat ahensya kung saan namahagi ng mga pananim at babasahin ang Kagawaran sa mga residente sa lalawigan ng Laguna.

Ayon kay G. Benedicto Rabanzo, isa sa mga kalahok sa idinaos na FGD, madaling maunawaan ang mga impormasyon na ibinahagi ng Kagawaran ukol sa mga proyekto para sa mga magsasaka. Nagpapasalamat siya dahil naipapaliwanag na sa kanila ang mga kaukulang batas na sumusuporta sa mga programa  ng pamahalaan.

 

(Glenda H. Marquez, DA 4A RAFIS)