Libreng bakuna kalakip ng seminar para sa Rabies Awareness Month, isinagawa ng DA-4A

 

 

Libreng pagbabakuna kalakip ng isang seminar ang pinangunahang isagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month noong ika-24 ng Marso sa Lipa City, Batangas.

Layon ng aktibidad na masiguro ang ligtas na komunidad sa tulong ng libreng bakuna para sa rabies at maisulong ang pagiging isang responsableng nag-aalaga ng mga hayop.

Kabilang sa mga binigyang-pansin ay ang Republic Act 8485 o ang the Animal Welfare Act of 1998 as amended by RA 10631, na nagpoprotekta sa kapakanan ng mga hayop laban sa pang-aabuso, kapabayaan, at malupit na pagtrato. Inilahad din dito ang 5 Freedoms of Animal Welfare na binubuo ng (1) kalayaan mula sa gutom, (2) kalayaan mula sa sakit, (3) Kalayaan mula sa takot, (4) kalayaan na maipahayag ang likas na kilos, at (5) kalayaan mula sa hindi komportableng kalagayan.

Ayon kay Regional Rabies Focal Dr. Ralph Fabon, ang pagsali ng mga mamamayan na may alaga sa ganitong mga aktibidad ay nagpapakita na ng pagiging responsable. Aniya, ang mga alaga ay nararapat na tratuhing pamilya na nangangailangan ng malasakit at pagmamahal.

Dito ay nagkaroon pa ng ‘run for a fur-pose’ kung saan ilang mga furr parents ang naanyayahang tumakbo. Sila ay ginawaran din ng ilang parangal kasama ang mga alaga gaya ng Cutest Dog, Most Behave, Most Active, at iba pa.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)