Bilang pakikiisa sa Rabies Awareness Month na may temang “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino”, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng pagbibigay ng libreng anti-rabies na bakuna at pagsasanay sa pag-diagnose sa rabies.
Ang rabies ay isang virus o nakamamatay na sakit na nakakaapekto sa utak ng mga alagang hayop gaya ng aso at pusa na maaaring makahawa sa pamamagitan ng kagat, direktang kontak ng laway, luha, at nervous tissue ng mga apektadong hayop.
Kaugnay nito, nagbibigay ang DA-4A ng libreng bakuna kontra rabies kung saan umabot sa pitumpu’t-limang (75) mga alagang aso at pusa ang naturukan sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES), Lipa City, Batangas.
Katuwang ang Japan and Philippines One Health Rabies (JAPOHR) sa ilalim ng superbisyon ng DA-Bureau of Animal Industry (DA-BAI), tampok din ang inihandang pagsasanay tungkol sa mga makabagong metodolohiya ng pagkuha ng sample at diagnosis ng rabies na mas mabilis at sistematiko.
Sa paraang ito ay mas magiging episyente ang pagtukoy sa mga dapat ilapat na lunas sa taong nakagat ng hayop sa pamamagitan ng tinatawag na Rabies Lateral Flow Device (LFD) diagnosis at Straw Brain sampling methods. Bahagi rin ng pagsasanay ang maayos na pagmo-monitor ng kaso ng animal rabies.
Dito ay lumahok ang dalawampu’t dalawang (22) beterinaryo at mga teknikal na kawani mula sa mga panlalawigan, pambayan, at panlungsod na lokal pamahalaan.
Samantala, sa mga susunod na buwan ay inaasahan ang pagkakaroon ng kaparehong pagsasanay sa iba pang karatig na lalawigan sa Calabarzon. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)