Mahigit 200 mag-aaral sa Quezon Science High School, lumahok sa information caravan ukol sa agrikultura ng DA-4A
Nakilahok ang mahigit 200 mag-aaral mula sa Quezon Science High School sa isinagawang Information Caravan on Agriculture for the Youth ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-30 ng Setyembre sa Tayabas City, Quezon.
Ito ay bahagi ng inisyatibo ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na subukang pumasok sa sektor ng agrikultura at ihayag ang mga maaari pa nilang gawin at maiambag para sa seguridad ng pagkain.
Dito ay nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapagtanong at lumapit sa mga tagapagsalita ukol sa mga kurso sa larangan ng agrikultura. Tampok sa mga nakinig ay nalalapit nang magtapos ng senior high school kung kailan nakatakda na silang mamili ng aaralin para sa kolehiyo.
Si Leon Kirby Arciaga na isang mag-aaral mula sa ika-11 baitang sa ilalim ng strand na Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) ay ikinatuwa ang pagsali sa aktibidad. Aniya, pangalawang choice niya sa mga kursong nais kunin sa kolehiyo ang agriculture at lalo pang napalawak ang kaalaman niya nang makadalo at makapagtanong sa mga eksperto sa larangan.
Buo naman ang pasasalamat ni Quezon Science High School Principal Dr. Cynthia Cuya dahil ayon sa kanya ay angkop ang timing ng aktibidad lalo pa at nasa gitna ng pagbuo ng pananaliksik ang mga mag-aaral bilang kanilang requirement sa pagtatapos.






All content is in the public domain unless otherwise stated.