Mahigit Php400,000 interbensyon mula sa CFIDP, ipinagkaloob ng DA-4A sa mga magniniyog sa Batangas
Tinatayang ₱423,600 ang kabuuang halaga ng naipamahaging interbensyon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magsasaka ng Samahan ng Magniniyog sa Lungsod ng Tanauan noong ika-21 ng Enero sa Tanauan City, Batangas.
Ipinagkaloob dito ang 4,500 piraso ng mga punla ng cacao, 150 sako ng abono, at isang grasscutter sa ilalim ng programang Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Ayon kay Regional CFIDP Focal Person Maria Ana Balmes, layunin ng CFIDP na magbigay ng karagdagang kita sa mga magniniyog kasabay ng pagpapataas ng produksyon ng cacao sa rehiyon. Mainam na rin aniya na habang naghihintay sa paglago ng niyog ang mga magsasaka ay magtanim na rin ng cacao sa tabi para sa mas maunlad na kabuhayan.
Samantala, hangad naman ni Tanauan City Mayor Nelson “Sonny” Perez Collantes ang mas maigting pang ugnayan sa ahensya upang matupad ang pangarap nilang maging isa ang lungsod ng Tanauan sa mga major producers’ ng niyog.
Si Zosimo Pamplona na tumatayong pangulo ng samahan ay ikinatuwa ang mga natanggap dahil aniya sa malaking tipid sa abono at suporta sa pagtaas ng kanilang kita sa pagkakaroon ng mga tanim na higit pa sa isa.






All content is in the public domain unless otherwise stated.