Matamis na tagumpay para sa mga magka-cacao ng CALABARZON tampok sa Cacao Congress 2025

 

 

Bumida ang cacao ng CALABARZON sa idinaos na Regional Cacao Congress 2025 na may temang “Flavor of the Future: Unlocking CALABARZON Cacao Potential” na ginanap noong ika-22 hanggang ika–24 ng Oktubre sa Quezon Convention Center, Lucena City.

Nilahukan ito ng 25 exhibitors mula sa iba’t-ibang cacao growers, farmers’ cooperatives and associations, at mga kumpanya ng makinarya, pataba, at binhi para ibida ang kanilang mga gawang produkto mula sa kakaw mula sa mga tsokolate, palaman, wine, mga produktong pang-katawan, pambahay, at iba pa.

Tampok din ang mga lektura at talakayan mula sa iba’t-ibang ahensya ukol sa sustenableng produksyon ng kakaw, climate-smart agriculture, pagpoproseso at pagmemerkado ng kakaw, oportunidad sa pinansyal na aspeto, at value chain development na nagbigay-diin sa kahalagahan ng inobasyon at kolaborasyon ng ahensya at mga magka-kakaw sa pagpapalago ng industriya ng kakaw sa rehiyon.

Ang Cacao Congress 2025 ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng #DACalabarzon, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, Opisina ng Panlalawigang Agrikultor ng Quezon, DA-Agricultural Training Institute IV-A, Department of Trade and Industry IV-A, at ng Region IV-A Cacao Industry Federation, Inc.

Binigyang diin ni G. Florencio Reyes, Region IV-A Cacao Industry Federation, Inc. President, na ang rehiyon ay hindi lamang tahanan ng masisipag na magsasaka, ito rin ay mayaman sa lupang kaya magluwal ng de-kalidad na cacao na maipagmamalaki natin hindi lamang sa CALABARZON kung hindi pati sa buong bansa at sa mundo.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)