Tampok ang labing-limang (15) bago at natatanging barayti ng palay ang sinimulan nang palawigin ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa unang pagsasagawa ng Preferential Analysis para sa panahon ng tagtuyot sa Santa Maria, Laguna noong ika-18 ng Abril.
Ang mga barayting ito ay itinuturing na “irrigated inbred” at “special purpose” na matibay laban sa masamang panahon, partikular para sa lalawigan ng Laguna. Kinabibilangan ito ng mga Irrigated Inbred NSIC Rc: 580, 622, 624, 626, 632, 634, 216, 222, Mestiso 73, Mestiso 99 — at Special Purpose NSIC Rc: 218, 342, 344, 128, at 216.
Kaugnay nito, higit sa 40 magsasaka ang lumahok sa pagkakaroon ng pisikal na obserbasyon sa mga nabanggit na barayti ng palay gaya ng pagtingin sa haba ng uhay ng mga ito, laki ng butil, dami ng supling, at iba pa.
Ang aktibidad ay bahagi ng isang pag-aaral na isinasagawa ng DA-4A Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) sa ilalim ng pagpopondo ng DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) katuwang ang International Rice Research Institute (IRRI), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at mga lokal na pamahalaan.
Ito ay ang “NextGen PLUS: Market-driven Varietal Testing and Validation for Effective Positioning of Varieties in Target Rice Ecosystem and Seed Chains in CALABARZON” na naglalayong masusing matukoy ang mga barayti ng palay na aangkop sa panahon sa iba’t ibang panig ng rehiyon ng CALABARZON.
Ayon kay Juan Reyes, isang Farmer Cooperator sa Laguna, malaking inspirasyon at motibasyon ang naibibigay sa kanilang mga magpapalay na maging parte ng pagkilatis sa mga barayti ng palay na makakapagpataas ng ani. Lubos ang kanyang pasasalamat sa aktibong pakikipag-ugnayan at patuloy na paggabay sa kanila ng mga mananaliksik at kawani ng pamahalaan.
Samantala, inaasahan na karagdagang labing-pito (17) pang barayti ang ipapakilala sa mga magsasaka at isasagawa rin ang kaparehong aktibidad sa walo pang site sa ibang karatig lalawigan ng rehiyon para sa panahon ng tagtuyot. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)