Mga farmer technicians sa CALABARZON, kalahok sa pagsasanay ng DA-4A ukol sa pamamahala ng peste ng palay

 

 

Aabot sa 41 lokal na farmer technicians sa rehiyon ang kalahok sa pagsasanay ukol sa pamamahala ng mga peste at sakit ng palay na inihanda ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Crop Protection Center (RCPC) at Rice Program simula noong ika-18 hanggang ika-20 ng Agosto sa Lucena City, Quezon.

Layon ng pagsasanay na talakayin ang mga binabantayang estado ng RCPC na mga peste ng palay sa rehiyon tulad ng rice leaffolder (maniniklop), rice bug (atangya ng palay), armyworm, at rice blast. Kasama na rin dito kung paano susugpuin ang mga ito sa tulong ng Integrated Pest Management (IPM).

Aktwal na tinukoy ng mga kalahok sa aktibidad ang mga napag-aralang peste sa isang field exercise upang angkop nilang maibahagi ang mga obserbasyon at karanasan sa kanilang mga magsasakang nasasakupan.

Ayon kay Emerlito Feliciano, isang farmer technician mula sa bayan ng Teresa, dahil direkta nilang naranasan ang pagtukoy sa mga peste ay mas akma ang impormasyon na maipapahayag nila sa mga magsasaka na makatutulong sa pagpaplano kung paano mapaghahandaan at makokontrol ang mga ito.

 

 

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)