Mga magkakalabaw ng CALABARZON, kinilala sa 51st Gawad Saka Search
Kinilala ang mga natatanging magkakalabaw mula sa Calabarzon sa 51st Gawad Saka, ang pinakaprestihiyosong pagkilala ng Department of Agriculture (DA) sa mga gumaganap at may natatanging ambag sa sektor ng agrikultura. Isinagawa ang seremonya ng paggawad ng karangalan noong Hunyo 29 sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City.
Itinanghal si Joseph Nathaniel E. Caguimbal ng Rosario, Batangas bilang Outstanding Dairy Carabao Raiser (Semi-Commercial), habang kinilala ang General Trias Dairy Raisers Multipurpose Cooperative (GTDRMPC) ng General Trias, Cavite bilang Outstanding Dairy Buffalo Cooperative.
Pinangunahan ang seremonya ni Senator Francis Pangilinan, na nagbigay-pugay sa mahalagang ambag ng mga nagwagi sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya na ang tagumpay nila ay patunay na sa pamamagitan ng tapang, inobasyon, at bayanihan ay maaaring makabuo ng isang produktibo, makatarungan, inklusibo, at matatag sa pagbabago ng klima na sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Kinikilala at ipinagmamalaki ng DA Calabarzon kasama ang buong delegasyon ng CALABARZON, kabilang ang Philippine Carabao Center–UPLB at mga kinatawan ng ibat ibang lokal na pamahalaan sina G. Caguimbal at ang GTDRMPC. Sila ang patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga magsasaka at naghahayupan sa rehiyon.
Ang pagkilalang ito ay nagpapatibay sa patuloy na pagsisikap ng Kagawaran at ng mga katuwang na ahensya na isulong ang pagpapaunlad ng dairy buffalo industry at kilalanin ang mga huwarang magsasaka at organisasyong may mahalagang ambag sa seguridad sa pagkain at pag-unlad ng sektor ng agrikultura.
####






All content is in the public domain unless otherwise stated.