Mga magsasaka ng Batangas City Vegetable Growers Association, sumailalim sa AECA Phase 1 Training Workshop

 

 

15 Magsasaka mula sa Batangas City Vegetable Growers Association ang sumailalim sa Training Workshop on Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) Phase 1 ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program noong ika-21 hanggang ika-25 ng Setyembre sa Batangas City, Batangas.

Layunin ng pagsasanay na maisagawa ang unang yugto ng AECA na nakatuon sa pagbuo ng working group at basic cluster, paglikha ng production module at supply plan, at pagbuo ng Agro- Enterprise (AE) objectives at plano para sa mga naturang magsasaka na nagtatanim at nagpoprodyus ng talong (eggplant) sa nasabing lugar.

Ang Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) ay isang programa ng DA CALABARZON na naglalayong pagsama-samahin, palakasin at gabayan ang mga magsasaka bilang isang organisadong cluster mula produksyon hanggang merkado upang makapag benta at matugunan ang pangangailangan ng market at magkaroon ng mas matatag na agro-enterprise sa rehiyon.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang cluster formation, pagbuo ng profile ng mga miyembro, halalan ng cluster leader at mga opisyal, site visitation at appraisal ng mga lugar ng produksyon, pati na rin ang pagtalakay sa production resources at agricultural data.

Tinalakay rin ang cost and returns, market chain mapping, at pagbuo ng AE plan at objectives. Sa limang araw na workshop, matagumpay na isinagawa at na-kumpleto ang Steps 1–3 ng AECA Phase 1, na magsisilbing pundasyon sa pagpapalakas ng produksyon at pagnenegosyo ng grupo.

Samantala, dalawang target market na natukoy para sa AECA cluster ang inimbitahan sa susunod na pagpupulong upang mapalakas ang ugnayan ng mga vegetable growers sa merkado at matukoy ang mga konkretong oportunidad para sa pagbebenta at pagpapalawak ng kanilang agro-enterprise.

 

(Glenda H. Marquez, DA-4A RAFIS)