Mga magsasaka sa kanayunan ng Cavite, tinipon ng DA-4A para sa Huntahan

 

 

Tinipon ang higit sa 100 magsasaka sa bayan ng Magallanes, Cavite upang sila ay makapanayam ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Huntahan sa Kanayunan: A Bagong Pilipinas Town Hall Meeting noong ika-5 ng Setyembre.

Ang Huntahan sa Kanayunan ay isang serye ng aktibidad na isinasagawa ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) sa layon na ipakilala sa mga magsasakang nagmula sa mga malalayong lugar ang mga programa at proyekto ng Kagawaran.

Dito ay nabigyan ng pagkakataong makapagtanong ang mga dumalo ng mga namataang isyu sa pagsasaka tulad halimbawa ng problema sa mga peste at sakit ng halaman, bentahan ng produkto, farm to market roads, pagpapasuri ng lupa at iba pa.

Naging bahagi rin ng aktibidad ang pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), ang opisyal na talaan ng mga magsasaka ng Kagawaran. Kalakip pa nito pamimigay ng mga babasahing maaaring magamit sa produksyon.

Si Atanacio Alegre Erasmo, pangulo ng San Agustin Farmers Association, ay ikinatuwa ang pagsagot sa kanya ng mga teknikal na kawani tungkol sa problema sa kanyang sagingan. Aniya, mas nalinawan siya sa mga dapat na gawin upang makontrol ang paglala ng mga peste sa tanim habang hindi pa ito bumubunga.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)