Modernong animal feed pelletizing facility sa Lipa, sisimulan na

 

 

Pormal nang sisimulan ang implementasyon ng modernong animal feed pelletizing facility ng Limcoma Multi-purpose Cooperative matapos magawaran ang proyekto ng No Objection Letter 1 sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up. Layon ng P183.3 milyong proyekto na tugunan ang lumalawak na pagitan ng demand at supply at tumataas na presyo ng pakain sa hayop sa pamamagitan ng pagpapalawak at paggamit ng modernong teknolohiya at pamamaraan sa kasalukuyang operasyon ng animal feed production ng kooperatiba.

Hinuhudyat ng paggawad ng NOL1 ang pagsisimula ng procurement para sa proyekto. Upang masiguradong sumusunod ang proyekto sa DA-PRDP Scale-Up Procurement Guidelines, magbibigay ang opisina ng DA-PRDP ng teknikal na suporta sa kooperatiba sa buong proseso. Tinatarget na makumpleto ang proyekto sa 2027.

Binati ni DA-PRDP National Project Coordination Office I-REAP Alternate Component Head Jocelyn Garcia-Tionloc at DA-PRDP Project Support Office South Luzon Project Director Atty. Christopher Bañas ang kooperatiba sa kanilang tagumpay. Hinimok nila ang kooperatiba na siguraduhin ang napapanahong pagka-kumpleto ng proyekto at balang araw ay makilala bilang isang sustenableng negosyo.

“Hopefully the return of investment is not just money but also ‘yung tulong nito sa farmers. For the enterprise to truly help its beneficiaries and for it to be sustainable, we need to make sure na maayos ang financials at pagpapatakbo ng negosyo,” ani Bb. Garcia-Tionloc. “The more na gumanda ang project, operations, the more na you can gain more institutional buyers and other stakeholders, and hopefully manggaling din ito sa ibang regions like MIMAROPA,” dagdag ni Atty. Bañas na Regional Executive Director rin ng DA Regional Field Office IV – MIMAROPA.

“Sa effort na ibinuhos nila sa proyektong ito until now, and bilang isa sa mga pinakamatatag na kooperatiba sa CALABARZON, we can trust that Limcoma can succeed in implementing this project. Mananatili naman ding nakasuporta ang DA-PRDP sa kanila in achieving this goal,” bati ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON Project Director Engr. Redelliza Gruezo.

Ang proyekto ay gagawa ng mga produktong pellet feeds para sa iba’t-ibang feeding phases ng hayop tulad ng booster, prestarter, starter, grower, finisher, breeder, at lactating sow. Sa loob ng susunod na sampung taon, tinatarget ng proyektong mapataas ang kita ng mga magbababoy sa pamamagitan ng pagpapababa ng presyo ng feeds habang pinaghuhusay ang feed conversion efficiency at pagpapataas ng timbang ng hayop. Apatnapung apat ang bagong trabahong magagawa ng proyekto.

“In behalf of our 16,000 members, maraming-maraming salamat po for helping us upgrade our enterprise. Tungo sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng paghahayupan, sisikapin po ng Limcoma na ma-implement ang proyekto at gawin itong sustainable,” ani Limcoma MPC chairperson Alan Japor.

 

(Myrelle Joy Bejasa- InfoAce)
#PRDPCalabarzon