Mt. Kamhantik Archaeological-ecological Tourism Site sa Mulanay, inilunsad katuwang ang DA-4A

 

 

Pormal nang inilunsad ang Mt. Kamhantik Archaeological-ecological Tourism Site Convergence Area Development Plan (CADP) sa bayan ng Mulanay, lalawigan ng Quezon katuwang ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-11 ng Agosto.

Ayon kay Punong Bayan ng Mulanay, Hon. Jay Castilleja, ang Mt. Kamhantik ay itinuturing na lokal na yamang-kultura ng mga mamamayan at siya ring pinakamataas na bundok sa ikatlong distrito ng Quezon. May laki itong humigit-kumulang 300 ektarya na nagtataglay ng likas na yaman at pinagkukuhanan ng kabuhayan lalo na sa larangan ng agrikultura.

Sa tulong ng CADP ay inaasahan ang pagkakaroon ng mas progresibong mga estratehiya, programa, aktibidad, at mga proyektong magpapaunlad sa lugar habang isinusulong ang responsableng paglinang o paggamit ng likas na yaman sa Mt. Kamhantik.

Ipapatupad ito sa pagkakaisa ng DA, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Mulanay at lalawigan ng Quezon.

 

Bilang tanda ng opisyal na paglulunsad ay nagkaroon ng ribbon cutting, presentasyon ng CADP, mensahe ng mga opisyal, at pagpirma sa commitment wall kasama ang mga lider at representante ng mga kabilang na ahensya.

Si Brgy. Captain Felix Aguirre mula sa Buenavista ay ikinatuwa ang proyekto bilang isa ang barangay nila sa mga makikinabang sa pagpapaunlad ng convergence area. Aniya, marami sa kanila ang mga magsasaka na umaasa rito ng araw-araw na ikinabubuhay kaya malaking tulong ito sa kanilang komunidad.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)