Native pig raisers ng Quezon, inihanda sa negosyong paglelechon ng DA-4A AMIA Program

 

 

Kabilang ang sampung native pig raisers mula sa Guinayangan, Quezon sa isinagawang benchmarking activity ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program noong ika-15 hanggang ika-16 ng Oktubre.

Ilan sa mga binisitang negosyo o farm ay ang Luntiang Republika Ecofarms Corporation ng Alfonso, Cavite; Vilma’s Lechon ng Lipa City, Batangas; at Uma Verde Eco Nature Farm ng Candelaria, Quezon. Dito ibinahagi sa mga kalahok ang ilan sa best practices pagdating sa organic feeding, farm-to-table management, diskarte sa pagluluto at pagbebenta ng lechon, at kabuuang pamamahala ng negosyong lechonan.

Ito ay bahagi ng suporta ng DA-4A AMIA Program sa paghahanda ng mga kalahok sa kanilang pagtatayo ng Multi-purpose Processing Facility for Native Pig and Chicken ngayong taon sa Brgy. Calimpak sa Guinayangan, Quezon.

Ayon kay Gng. Gloria P. Macaraig, Presidente ng Guinayangan Native Chicken Raisers Association, ang karanasang ito ay nagbigay sa kanila ng bagong pananaw at inspirasyon upang ituloy ang pagnenegosyo, lalo na’t mayroon silang sapat na kaalaman at suporta mula sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)