Aabot sa P151,215,433 halaga ng Fertilizer Discount Voucher (FDV) ang inilaan ng gobyerno at nakatakdang ipamahagi sa mga magpapalay ng CALABARZON.

Ang FDV ay programa ng Department of Agriculture (DA) na sumusuporta sa mga maliliit na magpapalay upang masiguro ang patuloy na produksyon ng palay sa bansa.

Tinatayang P145,159,100 halaga ng FDV na ang naipamahagi ng DA IV-CALABARZON (DA-4A) sa 28,899 magpapalay sa rehiyon.

Ang mga benepisyaryo ng naturang programa ay mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture, nakatala ang pangalan sa Farmers and Fisherfolk Registry System, at magtatanim ngayong dry cropping season. Ang bawat FDV ay maaaring magkahalaga ng P6,600 kada ektarya hanggang P13,200 depende sa lawak ng sakahan.

Ang mga kwalipikadong magsasaka at tumanggap na ng FDV ay maaaring magtungo sa DA-accredited fertilizer merchants o makipag-ugnayan sa kani-kanilang City/Municipal Agriculturist Office para sa scheduled caravan distribution.

Malaki ang pasasalamat ni Bb. Karen Luzano, magsasaka mula Brgy. Pamplona, General Nakar, sa programa dahil patunay aniya ito na hindi sila nakakalimutan ng gobyerno kahit na sila ay maliit na magsasaka.

Inaasahang sa mga susunod na linggo ay maipapamahagi pa ang natitirang P 6,056,333.00 para magpapalay sa rehiyon.