Aabot sa P26,065,185 ng interbensyon mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang natanggap ng mga magsasaka ng bayan ng Infanta at Real, Quezon noong ika-27 ng Enero.

Tinatayang 1,295 na maliliit na magpapalay ang nabigyan ng tig-P5,000 alisunod sa patuloy na implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) sa ilalim ng Republic Act (RA) 11203 o “Rice Tariffication Law.”

Kasabay nito ay ang Turn-Over Ceremony at paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagkakaloob ng P5,500,000 halaga ng Biosecured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility sa Infanta Backyard Hog Raisers Association (IBHRA).

Samantala, umabot naman sa P14,090,185 ang mga interbensyong ipinamahagi gaya ng mga binhi, baboy, kalabaw, kagamitang pangsaka, organikong pataba, at iba pa.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Quezon 1st District Representative at House Committee Chairman on Agriculture and Food, Cong. Wilfrido “Mark” Enverga, ang katayuan ng mga magsasaka bilang prayoridad ng Kagawaran at mga lokal na pamahalaan sa pagpasok ng panibagong taon tungo sa tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa rehiyon.

Si Ruel Marana na isang magpapalay at ang kanyang asawa na magbababoy ay abot-kamay ang pasasalamat sa mga natanggap. Aniya, pangalawang beses na siyang nakakuha ng limang libo mula sa RCEF-RFFA at malaking tulong ito upang may ipambili sila ng mataas na kalidad ng pataba.

Nanguna rin sa aktibidad ang mga kinatawan nina Regional Executive Director Milo delos Reyes, Quezon Governor Angelina “Helen” Tan, at Infanta Mayor Filipina Grace America na sina Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon Eduardo Lalas, Vice Governor Third Alcala, at Vice Mayor Lord Arnel Ruanto, ayon sa pagkakabanggit, at iba pang mga kawani ng DA-4A at lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)