Package of technology for Asparagus Production para sa mga HVCDP Farmers
Sumailalim sa pagsasanay ang 50 kalahok mula sa limang bayan sa rehiyon ukol sa Package of Technology for Asparagus Production sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang RAMGO International Corporation noong ika-14 ng Hulyo sa Organic Conference Hall, APCO Batangas Compound, Lipa City, Batangas.
Layunin ng aktibidad na hasain ang kaalaman ng mga magsasaka, lokal na pamahalaan at kalahok na pribadong sektor mula sa Siniloan at Nagcarlan, Laguna, Silang, Cavite, Lipa Batangas, at Lucban, Quezon kaugnay ng kultural na pamamahala, pag-aabono, pagpapatubig, at pagkontrol sa peste para sa produksyon ng Asparagus.
Bukod dito, itinuro rin sa mga kalahok ang tamang pag-aani at pagtukoy sa mga bagong oportunidad sa merkado na magbibigay ng mas malaking kita at pangmatagalang kabuhayan para sa mga magsasaka. Ayon kay G. Wilfredo Urriza, isa sa mga magsasakang kalahok mula sa Nagcarlan, Laguna, napagtanto nyang malaki ang potensyal na mapagkakakitaan ang asparagus. Aniya, dahil sa mahaba ang buhay nito at mataas na halaga sa merkado, maaari itong maging isang kapaki- pakinabang na negosyo na makakatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Bumisita din ang mga kalahok sa JOE Special Farm sa Lipa Batangas kung saan tampok ang kanyang taniman ng Asparagus. Ang JOE Special Farm ay isa sa mga naging representante ng rehiyon sa start-up category ng Young Farmers Challenge (YFC). Sa huli, namahagi ng inputs ang DA-4A gaya ng soil conditioner, foliar fertilizer at seedling trays sa mga naging bahagi ng programa.


