PAFES Cluster-based Assessment Workshop sa Sta. Rosa City Laguna, isinagawa

 

 

Sumailalim sa tatlong araw na Cluster-based Assessment Workshop on Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems (PAFES) ang mga Province-led Agriculture and Fisheries Extension Center (PAFEC) Directors mula sa iba’t ibang lalawigan, kasama ang PAFES Team ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Offices, Agricultural Training Institute (ATI), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa CALABARZON, MIMAROPA, at BICOL regions noong ika-8 hanggang ika-10 ng Setyembre sa Sta. Rosa City Laguna.

Layunin ng workshop na suriin ang mga matagumpay na programa ng PAFES, tukuyin ang mga hamon at gaps sa implementasyon, at magbahagi ng mga good practices at makabagong pamamaraan sa pagpapatupad ng programa sa mga lalawigan at rehiyon.

Kabilang sa mga proyekto ng PAFES ang Hybrid Coconut Seed Nursery Farm katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA), Salt Production ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Cacao Productivity Enhancement Project ng Batangas State University (BSU), at Yellow Corn Productivity Project na malaki ang maitutulong sa mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.

Bukod dito, naging tampok rin sa aktibidad ang site visit sa Batangas City noong ika-9 ng Setyembre na siyang lugar kung saan unang inilunsad ang implementasyon ng PAFES sa DA CALABARZON.

Samantala, binigyang diin sa aktibidad na ito ang pagpapalakas ng monitoring, reporting, at koordinasyon sa mga ahensya, gayundin ang pagbuo ng Cluster Action Plan upang matugunan ang mga pangunahing usapin at higit pang mapahusay ang implementasyon ng PAFES.

 

(Glenda H. Marquez DA-4A RAFIS)