Pagpalo ng Very Strong El Niño hanggang 2027, patuloy na pinaghahandaan ng DA-4A

 

 

Sa natitirang buwan ng taong 2026 ay aabot ang Pilipinas sa antas na “Very Strong El Niño” at magpapatuloy sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ng taong 2027 ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ito ang isa sa mga naging pangunahing usapin sa ginanap na Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) 3rd Quarter Assessment ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA- 4A) kasama ang mga representante ng bawat munisipyo at lungsod, mga kawani ng tanggapan, at lokal na pamahalaan simula noong ika-22 hanggang ika-23 ng Oktubre.

Kabilang sa mga pinagtuunan dito ay ang pagsuri ng estado at kalidad ng mga agricultural damage report na isinusumite ng mga lokal na pamahalaan, kasabay ang paggamit ng digital na plataporma sa pag-uulat, ang Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS).

Bahagi ito ng paghahanda ng Kagawaran upang masiguro ang mas pinalakas na plano, aksyon o koordinasyon para sa paggabay at pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon, lalo pa at kaunting pag-ulan ang aasahan hanggang sa susunod na kalahati ng taon.

Ayon kay DRRM Alternate Focal John Carlo Narvacan, kinakailangang mas palakasin ang paghahanda at hindi lamang ang pag-responde upang mas makontrol ang mga magsasaka na lubhang naaapektuhan ng pagbabago ng panahon. Aniya, malaking parte rito ay ang maayos na pagpaparating ng impormasyon.

Sa aktibidad ay namigay ng mga poster tungkol sa paghahanda para sa El Niño kung saan nakatakda itong ilagay sa mga lugar na makikita ng maraming tao para sa impormasyon. Naglahad din dito ang mga katuwang na ahensya ng mga suporta na maaari nilang ibigay sa gitna ng krisis.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)