Pagpapalakas ng Industriya ng Niyog, sentro sa 3rd quarter Regional Inter-agency Technical Committee Meeting sa ilalim ng CFIDP

 

 

Inilatag ng mga ahensya kabilang ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program ang mga hakbangin sa mas maayos na pasilidad, teknolohiya at suporta para sa mga magsasaka partikular na ang magniniyog ng CALABARZON sa isinagawang 3rd quarter Regional Inter agency Technical Committee Meeting sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) noong ika-28 ng Setyembre sa Argosino Hall, LARES Compound, Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas.

Ito ay upang masubaybayan ang progreso ng mga programa at proyekto sa ilalim ng CFIDP, matugunan ang mga usaping nangangailangan ng inter-agency na koordinasyon, at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga inisyatiba para sa kapakanan ng mga coconut farmers sa rehiyon.

Binigyan diin sa pagpupulong ang pagpapalakas ng produksyon at kabuhayan ng mga magniniyog at mapabuti ang access sa mga serbisyo at imprastraktura.   Tinalakay din dito ang mga umusbong na usapin mula sa nakaraang pagpupulong, kabilang na ang mga commitment para sa Sustainable Opportunities and Accelerated Resilience (SOAR) -Convergence Area na tumutukoy sa mga lugar na pag-lalagakan ng mga interbensyon.

Nag-presenta din ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ng proseso sa pag-apruba ng mga Business Plan para sa mga Shared Processing Facility.

Kabilang din pinag-usapan ang pagpili ng Most Outstanding Cooperative para sa Cooperative Development Authority (CDA) -CFIDP Coconut Farmer Cooperatives Regional Summit ng Philippine Coconut Authority at CDA, gayundin ang panukalang paglalagay ng mga Geographical Indication o pagkilala sa pinagmulan ng Lambanog na pinangunahan naman ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON.

Samantala, patuloy naman ang monitoring at koordinasyon ng mga programa sa pamamagitan ng Unified Project Interventions Database and Monitoring System.

 

(Glenda H. Marquez, DA-4A RAFIS)