Pagsasanay ng DA-4A RCPC, tugon sa lumalaganap na Rice Yellowing Disease

 

 

Bilang tugon sa lumalaganap na Rice Yellowing Disease sa CALABARZON, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Crop Protection Center ng pagsasanay para sa mga Rice Agricultural Technologist at Municipal Agriculturists mula sa Rizal noong ika-27 hanggang ika-29 ng Agosto sa Antipolo City.

Katuwang ang DA-4A Rice Program at Regional IPM Task Force, layunin ng pagsasanay na paigtingin ang kakayahan ng mga tekniko sa pagtukoy at pamamahala ng mga peste at sakit sa palay tulad ng rice leaffolder (maniniklop), rice bug (atangya ng palay), armyworm, rice blast, at ang kasalukuyang binabantayan na Rice Yellowing Disease na dulot ng Rice Ragged Stunt Virus (RRSV) at Rice Grassy Stunt Virus (RGSV).

Tinalakay din ang Integrated Pest Management (IPM) upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at mapanatili ang produksyon ng palay sa rehiyon. Bahagi rin ng pagsasanay ang pagpapatibay ng koordinasyon sa mga extension partners para sa mas epektibong rice pest reporting system.

Layunin nitong mapabilis ang pag-uulat at pagtugon sa mga insidente ng peste at sakit sa palayan. Sa gitna ng lumalawak na banta ng Rice Yellowing Syndrome, itinuturing ng DA-4A ang ganitong pagsasanay bilang unang linya ng depensa hindi lamang upang protektahan ang ani, kundi upang tiyakin din ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka sa CALABARZON.

Ayon kay Dr. Isagani Serrano, Municipal Agriculturist ng Rodriguez, Rizal, mahalaga ang tamang diagnosis para mabigyan ng tama at angkop na solusyon ang mga problema sa ating palayan. Ang mga itinuro sa pagsasanay ay dapat maibahagi sa nakararami upang mas mapaghandaan at maagapan ang sakit na ito.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)