Pagsasanay sa pagpapalakas at pagpoproseso ng produkto hatid ng DA-4A

 

 

Sampung Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) ang sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa Phase 2 ng Capacity Building on Support for Food Processing/Manufacturing for Agri-Enterprises noong ika-17 hanggang ika-19 ng Setyembre sa Los Baños, Laguna.

Layunin ng pagsasanay na ito na palakasin ang kaalaman ng mga FCAs sa pagnenegosyo partikular na sa proseso sa packaging, labeling, branding, traceability, mga pamantayan sa sanitasyon, at pamamahala ng  mga kagamitan.

Katuwang din sa aktibidad ang Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON na nagbahagi ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya tulad ng paggamit ng biodegradable o bio-based packaging gaya ng compostable trays, mangkok na gawa sa bagasse, pouch na yari sa abaka, at plant-based bioplastics na makatutulong sa pagpapabuti ng operasyon ng mga kooperatiba.

Ayon kay John Mark Soledad, Pangulo ng SICAP Cooperative, napakalaking tulong ng pagsasanay sa pagpapabuti ng kanilang pasilidad at operasyon, gayundin sa paghahanda ng kanilang mga produkto para sa pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA). Hiniling din niya na magkaroon pa ng katulad na mga aktibidad ang kagawaran upang higit pang matulungan ang mga agripreneurs sa rehiyon.