Pagsusulong ng kahandaan para sa Halal Certification, pinangunahan ng DA4A

 

 

Upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng Halal Certification, isinagawa ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Halal Food Industry Development Program (HFIDP) ang isang pagsasanay para sa dalawang samahan kabilang ang Kasama Halal Producers Cooperative mula sa Sto. Tomas Batangas at ang The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative noong ika-27 hanggang ika-28 ng Oktubre sa Sta. Rosa Laguna.

Ang Halal Certification ay isang pormal na pagkilala mula sa awtorisadong institusyon na ang isang produkto, pagkain, o serbisyo ay sumusunod sa mga batas at alituntunin ng Islam (Sharia law).

Sa pananalita ni Halal Focal Person, Mr. Antonio I. Zara, binigyang diin niya na ang Halal ay hindi lamang para sa mga Muslim kundi para sa lahat dahil nagbibigay ito ng katiyakan na ang produkto ay sumusunod sa itinakdang pamantayan sa kalinisan, kaligtasan, at wastong proseso ng produksyon.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang mga pamantayan sa Halal kasama na ang wastong pag- aalaga at pamamahala ng kambing alinsunod sa  mga tuntunin at mabuting kasanayan sa paghahayupan; proseso at pamamaraan ng sertipikasyon at ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act.

Bilang isa sa mga samahang gumagawa ng mga produktong Halal, natutunan umano ni Ms. Rigerte A. Caparas ng The Rosario Livestock and Agriculture Farming Coop ang mga wastong proseso at pamantayan na kailangang sundin upang makakuha ng Halal certification upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng kanilang mga produkto. Samantala, naging bahagi rin ng pagsasanay ang lokal na pamahalaan ng dalawang bayan mula sa Sto. Tomas at Rosario Batangas.

 

(Glenda H. Marquez, DA 4A RAFIS)