Pagsusulong ng modernisasyon sa sektor ng agrikultura, suportado ng RAFC IV-A
Tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng sektoral na pagpupulong sa rehiyon sa pangunguna ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) – CALABARZON katuwang ang Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) noong buwan ng Agosto, 2025.
Dito ay tinipon ng RAFC ang mga pambayan at panlalawigang konseho ng pagsasaka at pangisdaan upang pag-usapan ang pagsusulong ng modernisasyon ng sektor alinsunod sa mandato ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) sa ilalim ng Republic Act No. 8435 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) at Republic Act No. 10601 o ang Agricultural and Fisheries Mechanization (AFMech) Law.
Kabilang din sa mga pangunahing tinalakay ang mga plano para sa pag-angkat ng makinaryang pansakahan para sa taong 2025, kasama ang mga alituntunin sa distribusyon ng kagamitan at proseso ng pagiging benepisyaryo ng Kagawaran.
Samantala, nagpaabot si Regional Agricultural Engineering Division (RAED) Chief Engr. Romelo Reyes ng pasasalamat sa pagkakabilang ng kanilang dibisyon sa pagpupulong at binigyang-diin ang kahalagahan ng teknikal na kaalaman sa pagbuo ng mga solusyon at plano sa mekanisasyon na angkop para sa mga lokal na magsasaka.
Dagdag naman ni RAFC Chairperson Gaudencio Genil, iba-iba man ang pangunahing prodyus ng mga lalawigan sa CALABARZON, dapat mabigyang prayoridad din sa pamamahagi ng makinarya ang mga probinsya ng Quezon, Cavite, at Laguna batay sa mga itinakdang legal na pangangailangan dahil ang mga ito ang nangunguna sa pagtatanim ng palay sa rehiyon.
Binigyang-linaw din ng National Food Authority (NFA) – CALABARZON ang kasalukuyang sistema ng pagbili ng palay at pagbebenta nito sa merkado, habang ibinahagi naman ng Rice Banner Program ang pinakabagong update ukol sa Masagana Rice Industry Development Program.
Nakatakda ang susunod na sektoral na pagpupulong sa ika-25 ng Setyembre para sa diskusyon sa paghahayupan at poultry. Layon ng mga patuloy na talakayang ito na higit pang pag-igtingin ang koordinasyon ng mga ahensya at stakeholder upang matiyak ang mas maunlad na kabuhayan para sa mga magsasaka ng CALABARZON.






All content is in the public domain unless otherwise stated.