Sinimulan na ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) ang pagsusuri ng mga isinumiteng proposals ng mga lokal na pamahalaan sa CALABARZON para sa DA-PRDP Scale-Up. Ito ay upang masiguro ang mabilis na implementasyon ng mga maaaprubahang proyekto sa pagsisimula ng DA-PRDP Scale-Up sa mga susunod na buwan.

Ang DA-PRDP Scale-Up ng DA at World Bank ay ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultura mula produksyon hanggang pagbebenta upang masiguro ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan sa abot-kayang presyo, at ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda. 

Layon nitong matulungan ang mga lokal na pamahalaan at mga samahan na nauugnay sa sektor ng agrikultura tulad ng mga maliliit na grupo ng mga magsasaka, farmers fisherfolk cooperatives and associations (FCAs), FCA clusters, processors, consolidators, atbp. 

Aabot sa 20 mungkahing proyektong imprastraktura ang nasuri na ng DA-PRDP Project Support Office (PSO) South Luzon at Regional Project Coordination Office (RPCO) CALABARZON. 

Labing-walo dito ay para sa farm-to-market road at dalawa naman ay para sa potable water system. Isinumite ito ng mga lokal na pamahalaan ng Majayjay, Sta. Maria, Cavinti, at Luisiana sa Laguna, Tanauan, Tingloy, Nasugbu, at Taysan sa Batangas, at Mauban, Macalelon, Real, Atimonan, Padre Burgos, Mulanay, Buenavista, Lopez, General Nakar, San Narciso, San Francisco, at Candelaria, sa Quezon.

Patuloy na hinihikayat ng DA-PRDP RPCO CALABARZON ang mga lokal na pamahalaan at mga samahan na magpasa ng mga proposal para sa mga proyektong imprastraktura at pangkabuhayan sa ilalim ng PRDP Scale-Up. Sinisigurado naman ng naturang tanggapan na magiging mabilis at masigasig ang kanilang aksyon, suporta, at pakikipagtulungan sa mga LGUs at samahan na magpapasa ng proposal.

Para sa mga nais magpasa ng proyekto para sa DA-PRDP Scale-Up, makipag-ugnayan lamang sa DA-PRDP RPCO CALABARZON na matatagpuan sa Department of Agriculture Regional Field Office CALABARZON Lipa Agriculture Research and Experiment Station sa Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdp@calabarzon.da.gov.ph. ### (Myrelle Joy Bejasa, PRDP 4A InfoACE)