Mula sa 59,745.52 metriko toneladang produksyon ng gulay sa Calabarzon noong taong 2021, tumaas ito sa 93,567.15 metriko tonelada noong taong 2022 batay sa datos na nakolekta ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Samantala, base sa Major Vegetables Quarterly Bulletin ng Philippine Statistics Authority sa ikalawang kwarter ng 2022 mula buwan ng Abril hanggang Hunyo, namataan ang kabuuang porsyento ng kontribusyon ng Calabarzon sa bansa sa mga gulay na ampalaya (12.6%), kamatis (8.6%), sweet potato (3.2%), talong (1.5%), at iba pa.

Ayon kay Emilia “Amy” Rosales, pangulo ng Samahan ng Magtatanim ng Gulay sa Mamala I na isa sa mga pangunahing kooperatiba na nagsusuplay ng gulay sa Quezon, ang resulta ng pagtaas ng kanilang produksyon ay bunga ng malaking suporta ng Kagawaran mula sa pagtatanim hanggang pag-aani. Aniya, patuloy ang pagsasagawa ng DA-4A HVCDP sa kanilang bayan ng distribusyon ng mga binhi, pataba, kagamitang pansaka, makinarya, pasilidad, pangangasiwa ng mga pagsasanay, at iba pa.

Kaugnay nito, noong ika-18 ng Enero ay kinapanayam nina DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes at Quezon Governor Angelina Tan ang mga lider at kinatawan ng mga samahan ng maggugulay sa Calabarzon sa ginanap na Vegetable Stakeholders Consultation Meeting sa Brgy. Mamala I, Sariaya, Quezon.

Dito ay ibinahagi ang mga programa at aktibidad ng Kagawaran tungo sa pagpapaunlad ng paggugulayan at malayang nakapagsabi ang mga maggugulay ng mga suhestiyon at saloobin sa kanilang buhay pagsasaka. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)