Pananaliksik na magpapalakas ng serbisyong pang-agrikultura, handog ng DA-4A at AFRREDN
Pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Research Division ang mga bumubuo ng Agriculture and Fishery Resources Research Extension for Development Network (AFRREDN) para sa patuloy na pag-aaral at pananaliksik sa mga serbisyong magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa rehiyon, noong ika-16 ng Oktubre sa Lipa City, Batangas.
Naging pokus dito ang pagtukoy ng mga programa, aktibidad, o proyekto na maaari pang makapagpataas sa produksyon ng walong prayoridad na commodity sa rehiyon, partikular ang manok, baboy, lowland vegetables, niyog, palay, yellow corn, kakaw, at kape.
Dito ay hinati sa limang grupo para sa limang probinsya sa rehiyon ang mga partisipante mula sa Research Division ng DA-4A, mga katuwang na ahensya, State Universities and Colleges (SUCs), at pribadong sektor.
Bahagi ito ng layon ng AFRREDN na paigtingin ang pagtutulungan ng mga institusyon na nagpaparating sa mga magsasaka at mangingisda ng mga serbisyo ng Kagawaran batay sa pananaliksik.
Ayon kay Research Division Chief Eduardo Lalas, ang aktibidad ay bahagi ng pakikipagtulungan sa DA-Bureau of Agricultural Research (BAR) na nagpopondo sa mga project proposal na isinusulong ng mga researcher sa bawat regional office ng DA. Kaya naman aniya ang pagpupulong ng AFRREDN ay silbing pagbibigay direksyon sa mga Research for Development and Extension (R4DE) sa rehiyon.






All content is in the public domain unless otherwise stated.