Pasilidad para sa Biogas Technology ng DA-4A, nakatakda nang itayo sa experiment station sa Quezon

 

 

Nakatakda nang itayo ang pasilidad para sa Biogas Technology ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES) sa Tiaong, Quezon.

Ito ay matapos makapaglagda ng Technology Licensing Agreement (TLA) ang mga opisyal ng DA-4A Livestock Program at Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON para sa pagpapasa o pagbabahagi ng Biogas Technology sa Kagawaran noong ika-20 ng Pebrero sa Lipa City, Batangas.

Ang Biogas ay isang uri ng renewable energy na nabubuo mula sa nabubulok na mga organikong materyal tulad ng dumi ng hayop. Gamit ang teknolohiyang ito ay makakatipid sa enerhiya ang institusyon, mabibigyang proteksyon ang kalikasan at kalusugan ng mga mamamayan dahil maiiwasan ang polusyon, at pagmumulan pa ng organikong pataba para sa mga magsasaka.

Ayon kay QARES OIC-Chief Marjorie Sepina, makatutulong ang pagtatayo ng proyekto sa istasyon upang magsilbing demo site kung saan maaari silang makapagsanay ng mga magsasakang naghahayupan ukol sa teknolohiya at maibahagi pa ito sa iba.

Pahayag din ni DOST Regional Director Emelita Bagsit na inaasahan nila ang pagpapaunlad pa ng mga ganitong pag-aaral at pananaliksik upang magkaroon pa ng karagdagang teknolohiyang gaya ng biogas na makakatulong at makakapagpagaan ng mga gawain para sa mga magsasaka at komunidad.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)