PCAF, RAFC, binisita ang mga proyekto at interbensyong kaloob ng DA-4A

 

 

Binisita ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) katuwang ang Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC)- Calabarzon ang mga ibinabang proyekto at interbensyong kaloob ng #DACalabarzon noong ika-29 ng Setyembre hanggang ika-3 ng Oktubre.

Bilang pagtatapos sa isang linggong monitoring activity, isinagawa sa huling araw ang exit conference sa Tanza, Cavite. Dito ay inilahad ng monitoring teams para sa mga lalawigan sa rehiyon ang kanilang mga naging obserbasyon.

Tinalakay ang resulta ng naging pagbisita sa mga interbensyong ipinagkaloob ng ahensya sa mga samahan ng magsasaka sa rehiyon kabilang ang makinarya at imprastraktura. Naging daan ito upang magkaroon ng bukas na talakayan sa mga suhestyon at mungkahing aksyon para sa mas episyenteng implementasyon ng mga programa ng Kagawaran.

Layon nitong siguruhin ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondong laan para sa sektor ng agrikultura at upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Tiniyak naman ni RAFC Calabarzon Regional Executive Officer Ella Obligado ang patuloy na ugnayan ng ahensya sa mga katuwang sa pagpapatupad ng programa. Aniya, ang bawat isa ay may mahalagang gampanin sa ibinababang proyekto ng pamahalaan. Katuwang ng ahensya ang mga benepisyaryo, lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagtiyak sa tagumpay ng mga ito. Nagpasalamat rin sya sa inisyatibong ito at tiniyak ang pag-aksyon ng ahensya tungo sa mas maunlad na agrikultura sa rehiyon.