Php13-M halaga ng interbensyon mula sa KADIWA, ipagkakaloob sa tatlong FCA sa CALABARZON
Aabot sa Php13,067,275 milyong pisong halaga ng interbensyon ang nakatakdang ipagkaloob sa tatlong Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa ilalim ng KADIWA Financial Grant Assistance Program.
Ang KADIWA ay ang tuloy-tuloy na programa ng Kagawaran na nakapokus sa pagbibigay ng suporta sa pagpapaunlad ng negosyo ng mga samahan ng mga magsasaka.
Inaasahang matanggap ng mga nasabing benepisyaryo ng KADIWA ang mga interbensyong gaya ng tulong-pinansyal, makinarya, pasilidad, at mga sasakyang magagamit upang madaling makapagbenta ng kani-kanilang mga produkto sa mas malawak ng merkado.
Kaugnay nito, noong ika-8 ng Setyembre ay isinagawa na ang paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Lipa City, Batangas kasama ang Majayjay Organic Farmers Association (MOFA), San Andres Farmers Development Cooperative (SAFDC), at Barangay Bato Organic Farmers Association (BBOFA).
Ikinatuwa naman ni Gng. Rhodora Santos, pangulo ng MOFA, ang maibibigay sa kanilang reefer van na makatutulong sa pagpapanatiling malamig ang kalalagyan ng mga produkto kahit na ibyahe nila ito. Aniya, bukod dito ay tatanggap pa sila ng mga raw materials at equipment na kailangan nila sa pagpoproseso.






All content is in the public domain unless otherwise stated.