Php2.4-M halaga ng interbensyon para sa pinakaunang paglulunsad ng Gulayan sa Bayan sa CALABARZON, ipinamahagi

 

 

Nagkakahalaga ng ₱2,400,000 milyong piso ang mga interbensyon na ipinamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON High Value Crops Development Program (HVCDP) sa kauna-unahang paglulunsad ng proyektong Gulayan sa Bayan (GSB) sa rehiyon na ginanap sa Cavinti, Laguna noong ika-11 ng Setyembre.

Dito ay 24 munisipalidad sa Laguna ang nakatanggap ng tig-₱100,000 halaga ng mga interbensyong para sa gulayan gaya ng binhi, organikong pataba, electric knapsack sprayer, pala, wheelbarrow, at iba pa.

Sa kabila ng paunang pagsasagawa ng ceremonial planting sa aktibidad, layon ng GSB na magtatag ng mga taniman ng gulay sa bawat komunidad kaisa ang mga kababaihang miyembro ng Rural Improvement Clubs (RICs) at mga organisasyong binubuo ng mga kabataan o senior citizens.

Ayon kay Cavinti Municipal Agriculturist Vina Orolfo, isang malaking oportunidad ang GSB upang makamit ang mas mataas na produksyon ng gulay at mas malawak na akses sa masustansyang pagkain lalo pa at hangad din nilang matugunan ang problema sa malnutrisyon ng mga mamamayan.

Ikinatuwa naman ni Felomina Garcia, residente mula sa Cavinti, ang limpak ng mga suportang natanggap nila. Aniya, ito ay nakahikayat pa sa kanila na pagbutihin ang pagtatanim sa barangay na maaari ring makatulong sa mga feeding program sa paaralan. Samantala, inaasahan na magkakaroon pa ng ganitong katulad na aktibidad sa iba pang probinsya sa rehiyon.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)