Php20 bigas para sa mga mangingisda sa CALABARZON, inilunsad na sa Fish Port ng Lucena
Inilunsad na ang ₱20 Benteng Bigas Meron Na Program ng Department of Agriculture (DA) para sa mga mangingisda sa rehiyon ng CALABARZON sa fish port ng Lucena City, Quezon noong ika-29 ng Agosto.
Bahagi ang ₱20 Benteng Bigas Meron Na Program ng Rice-for-All (RFA) Program ng DA na may layong magbigay ng dekalidad at abot-kayang bigas sa sambayanang Pilipino upang matugunan ang seguridad sa pagkain. Inisyal na mga benepisyaryo nito ay ang mga minimum wage earners, senior citizens, solo parents, at mga may kapansanan.
Ngayon ay sinimulan na rin itong buksan para sa mga magsasaka at mangingisda na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at Fisherfolk Registration System (FishR). Bawat isang kwalipikado ay maaaring bumili ng hanggang 10 kilo.
Si Rosenda Boras, 73 taong gulang, na isang katulong sa pangingisda ay malaki ang pasasalamat na mula sa ₱55 na kilo ng bigas ay nakabili ng ₱20 na aniya ay malaking tipid para sa ipapakain sa kanyang pamilya lalo na sa mga apo.
Samantala, ang aktibidad ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng DA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), at Food Terminal Incorporated (FTI).






All content is in the public domain unless otherwise stated.