₱3.3-M halaga ng pasilidad para sa mga magsasaka sa Quezon, ipinagkaloob ng DA-4A
May kabuuang ₱3,373,224.99 ang halaga ng mga pasilidad na pormal ng ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) at Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) sa samahan ng Guinayangan Coffee Agri-Farmers, Processors and Entrepreneurs Agriculture (GCAFPEA) Cooperative at Guinayangan Native Chicken Raisers Association sa Guinayangan, Quezon noong ika-25 ng Marso.
Tinanggap ng GCAFPEA Cooperative ang isang Multi-commodity Drying Facility na nagkakahalaga ng ₱374,750 na inaasahang magpapabilis sa pagpapatuyo ng kape at kakaw upang matiyak ang mataas na kalidad ng mga produkto habang napapabilis ang pag-ikot ng kita para sa bawat miyembro ng kooperatiba.
Kasabay nito, ipinagkaloob din ang isang Multi-Purpose Processing Facility na nagkakahalaga naman ng ₱2,998,474.99 sa Guinayangan Native Chicken Raisers Association. Dito ay mas mapapadali ang pagproseso at pagbebenta ng kanilang mga produkto na magbibigay ng dagdag na benepisyong pang-ekonomiya sa samahan at magsisilbing mahalagang hakbang upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa buong rehiyon.
Taos-pusong nagpasalamat si Gng. Gloria P. Macaraig, pangulo ng Guinayangan Native Chicken Raisers Association na aniya ay malaking tulong ang pasilidad upang maabot ang mas malawak na oportunidad sa merkado, mapataas ang kita, at mapaunlad ang kabuhayan.
Dagdag pa ni G. Jan Oliver Sarmiento, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Quezon, ng mga pasilidad na ito ay katunayan ng patuloy na suporta ng Kagawaran sa mga magsasaka ng Quezon. Aniya, makakaasa ang mga magsasaka ng patuloy na pagbibigay ng mga kagamitang magpapalago ng kabuhayan at produksyon sa lalawigan.






All content is in the public domain unless otherwise stated.