Php3.5-M halaga ng interbensyon, ipinagkaloob sa mga maggugulay sa Cavite

 

 

Aabot sa Php3,574,553 ang kabuuang halaga ng ipinagkaloob na interbensyon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) sa dalawang samahan ng mga maggugulay sa lalawigan ng Cavite.

Ito ay ang Solar Powered Irrigation System (SPIS) at Multi-tiller para sa produksyon ng gulay na tinanggap ng Silang Vegetable Growers Association. Nabigyan din ng pasilidad na Packaging House ang Cavite Vegetable Growers Association.

Magsisilbi itong suporta upang magkaroon ng maayos na sistema ng patubig sa taniman, masusing preparasyon ng lupa, pagkontrol ng damo, at pamamahala ng mga tanim hanggang sa pag-aani at pagproseso ng mga produkto.

Sa Turnover Ceremony ay nagkaroon ng ribbon-cutting at paggagawad ng sertipiko tanda ng pagbubukas ng mga pasilidad at opisyal na pagtanggap kasama ang mga benepisyaryong miyembro ng samahan noong ika-30 hanggang ika-31 ng Hulyo.

Ayon kay HVCDP Focal Janice Fajardo, maaasahan ng mga maggugulay na patuloy silang susuportahan at gagabayan ng Kagawaran lalo na sa pagyakap sa modernong pagsasaka gamit ang mga makinarya at makabagong imbensyon o kagamitan.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)