₱4.6-M halaga ng Fuel Assistance Card, ipinamahagi ng DA-4A

 

 

Umabot sa ₱4,671,000 ang halaga na ipinamahagi sa mga magsasaka sa probinsya ng Batangas at Quezon sa kauna-unahang Fuel Caravan na naganap ngayong taon sa ilalim ng Fuel Subsidy Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) simula noong ika-23 hanggang ika-26 ng Pebrero sa Lipa City, Batangas.

Dito ay tigta-tatlong libong piso (₱3,000) ang laman ng card na ipinagkaloob sa mga lehitimong maggugulay bilang suportang pinansyal sa pagbili o pagbayad ng krudo sa mga Petroleum Retail Outlet para sa kanilang mga kagamitang pansaka.

Sina Rolando Macalintal at Manolito Gonzales na may pangunahing mga tanim na gulay at kape ay ikinatuwa ang nakuhang tulong sa Kagawaran dahil anila, malaki itong kabawasan sa gastos nila sa produksyon upang may dagdag pa sa pambili ng binhi at abono.

Para naman kay OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza A. Gruezo, hangad ng DA-4A na maibigay ang anumang tulong para sa mga pangangailangan ng mga magsasaka lalo na kung sa ikagagaan pa ito ng mga gawain nila sa produksyon.

 

Samantala, magpapatuloy ang Fuel Caravan sa iba pang probinsya sa rehiyon ng CALABARZON samga susunod pa na araw at linggo.

 

(Lhou E. Ocampo, DA-4A RAFIS)