Php58.4-K halaga ng interbensyon, ipinamahagi ng DA-4A kasabay ng kaarawan ni Pangulong Marcos

 

 

Umabot sa ₱58,436,558.00 ang kabuuang halaga ng interbensyon na ipinamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka, mangingisda, at residente sa sabayang pagsasagawa ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat noong ika-13 ng Setyembre sa buong rehiyon.

Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-68 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung saan nagtayo ng mga booth ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maghandog ng mga produkto o serbisyo. Layon nitong sama-samang makapagbigay ng benepisyo mula sa mga bumubuo ng pamahalaan tungo sa mga komunidad sa bansa.

Tampok sa booth ng DA-4A ang mga interbensyon gaya ng ₱20 bigas, mga binhing pananim na gulay, punla ng calamansi, makinarya, at mga polyetos na babasahin tungkol sa buhay pagsasaka. Nagbukas din ang KADIWA ng Pangulo kasama ang mga samahan ng mga magsasaka na direktang nakapagbenta sa mga konsyumer ng kani-kanilang mga aning produkto o kaya naman ay mga naiproseso na.

Si Analyn Quimbo, isang residente mula sa Antipolo City, Rizal, ay ikinatuwa ang natanggap na mga binhi ng gulay na aniya ay itatanim nila sa kanilang bakuran. Nakakuha pa siya ng mga maaaring mabasa ukol sa mga gabay sa pag-aalaga ng mga hayop na ibibigay niya sa kaibigang naghahayupan.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)