Php700-K halaga ng Agricultural Supplies para sa mga Magpapalay sa Rizal, ipinamahagi ng DA-4A
Tinatayang Php778,682 ang kabuuang halaga ng naipamahaging interbensyon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program sa mga magpapalay ng bayan ng Baras sa lalawigan ng Rizal noong ika-5 ng Agosto.
Bahagi ito ng layon na palaganapin ang estratehiyang System of Rice Intensification (SRI) na isang paraan ng pagsasaka na mas nagiging produktibo ang pagtatanim, pamamahala ng sustansya, at paggamit ng lupa at tubig. Isa sa mga halimbawa ng pagsasagawa nito ay ang paglalagay ng mas malawak na espasyo sa pagitan ng mga punlang tanim habang gumagamit ng patigil-tigil na irigasyon.
Sa aktibidad ay 17 magsasaka ng SRI Baras Farmers Association (SRI Baras FA) na may kabuuang 20 ektarya ng lupang palayan ang nabigyan ng mga suporta gaya ng mga binhing palay at gulay, organikong pataba, mga materyal para sa vermicomposting, at mga alagang hayop.
Ikinatuwa ni Jonathan Ocampo Jr., isa sa mga miyembro ng SRI Baras FA, ang mga natanggap. Aniya, buti na lamang ay isa siya sa mga natutong magsagawa ng SRI dahil mula sa 77 kaban ng palay ay tumaas ito hanggang 128 kaban kaya naman patuloy ang pagmungkahi niya sa ibang magpapalay na subukan din ito.
Samantala, bilang napiling site ang Brgy. Santiago, Baras, Rizal sa SRI 2.0 ay inaasahang magsisimula ang kanilang pagtatanim ng palay ngayong buwan ng Nobyembre hanggang Enero at nakatakda naman mag-ani simula Marso hanggang Mayo sa susunod na taon.


