Php9 milyong pasilidad at interbensyon, ipinagkaloob ng DA-4A HVCDP sa mga samahan sa Dolores at Sariaya

 

 

Halos siyam na milyong piso ang kabuuang halaga ng mga pasilidad at interbensyong ipinamahagi sa mga samahan ng maggugulay sa mga bayan ng Dolores at Sariaya noong ika-20 ng Pebrero.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ang dalawang Packaging House Facility with Cold Storage at dalawang Solar-Powered Irrigation System (SPIS). Layunin ng mga proyektong ito na mapanatili ang kalidad at mapahaba ang shelf-life ng mga ani, gayundin ang magbigay ng mura, episyente, at makakalikasang sistema ng irigasyon na makatutulong upang mapataas ang produksyon ng mga magsasaka.

Ayon kay HVCDP Focal Person Gng. Janice Fajardo, hangarin ng programa na makita ang aktibong paggamit ng mga tulong ng gobyerno at hikayatin ang mga samahan na aktibong palakasin ang kanilang kakayahan para mapangalagaan at mapaunlad ang mga nasabing interbensyon para sa pangmatagalang benepisyo mula rito.

Para naman sa mga samahang tulad ng SIPAG Bucal, malaking tulong ang mga interbensyon. Ayon kay Carlyn Mendoza, isa sa mga miyembro ng samahan, makatutulong ang SPIS upang mapadali ang pagdidilig at pangangalaga sa kanilang mga tanim na kalamansi at iba pang gulay, na inaasahang magreresulta sa kanilang mas masaganang produksyon at kita.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)