Potable water system sa Majayjay, Laguna makukumpleto na

 

 

Mabibigyang katuparan na ang matagal nang pangarap na maayos at ligtas na suplay ng tubig ng ilang residente ng Majayjay, Laguna ngayong malapit nang makumpleto ang isang proyektong Level II Potable Water System (PWS) sa kanilang lugar. Ang nasabing proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up at magbebenepisyo sa 1,439 indibidwal at 5,613 na kabahayan sa mga barangay ng Bakia, Bitaoy, Botocan, Gagalot, Isabang, Piit, Rizal, at Taytay.

Maghahatid ang P90.18-M na proyekto ng 165 communal faucets sa mga komunidad kung saan ang tubig na magmumula dito ay manggagaling sa Taytay Falls sa Mt. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape. Inaasahang matutugunan nito ang matagal nang problema ng mga komunidad sa hindi sapat na suplay ng tubig, mahabang pila sa pag-iigib, mapanganib na byahe sa paghahatid ng tubig sa mga komunidad, mga sakit dulot ng maruming tubig, at kaunting panahong nailalaan ng mga residente para sa kanilang mga kabuhayan gay ana lamang ng agrikultura.

Kapag nakumpleto ang proyekto, inaasahang magdudulot ito ng humigit-kumulang P227.81 milyong benepisyo sa mga natipid na oras sa pag-iigib ng tubig, nabawasang gastos sa pagpapagamot ng mga sakit na kaugnay ng maruming tubig, natipid na gastos sa pagbili ng tubig, at pagkukusang loob ng mga mamamayan na magbayad para sa mas maayos na serbisyo sa tubig. Ani Majayjay Mayor Romeo Amorado, malaki ang maitutulong ng proyekto sa paglago ng mga sektor ng agrikultura, kalusugan, turismo, at ekonomiya sa kanilang bayan. Ibinahagi din niya na may malaking potensyal ang Majayjay na paglagyan ng malalaking area ng taniman ng mga gulay.

Upang masiguradong lahat ng bahagi ng proyekto ay sumusunod sa disenyo at ipinapatupad ang social and environmental safeguards nito, ininspeksyon ito ng mga kinatawan ng DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON. Sa kanilang pagbisita, namataan nilang ilang mga residente tulad nina Adela Bahilango, Ignacia Arasa, at Josefina Lurio ay ginagamit na ang isa sa mga tap stands ng proyekto.

β€œMalaking bagay para sa amin ang magkaroon na ng mas maayos na suplay ng tubig para sa aming pang-araw-araw na pamumuhay. Maraming salamat po,” ani Ms. Bahilango.

Upang masiguradong magiging sustenable ang proyekto at marami pang henerasyon ang magbebenepisyo rito, nangako ang lokal na pamahalaan ng Majayjay na sila ay maglalaan ng pondo at magpapatupad ng mga aktibidad upang mapanatili ang operasyon ng proyekto sa susunod na sampung taon. Samantala, patuloy ring susubaybayan ng DA-PRDP at DA Regional Field Office IV – CALABARZON ang proyekto.

 

(Myrelle Joy Bejasa, PRDP Calabarzon INFOACE)