Inindorso ng Provincial Development Councils ng Batangas at Quezon ang implementasyon ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up sa CALABARZON Regional Development Council. Ayon sa Investment Coordination Committee ng National Economic Development Authority, mahalaga ang pag-apruba ng RDC sa PRDP Scale-Up upang matuloy ang implementasyon nito.

Nagpasalamat si PRDP 4A Project Director Engr. Marcos Aves, Sr. sa mga PDC. Aniya, ang pag-suporta ng mga PDC sa implementasyon ng PRDP Scale-Up ay isang malaking tulong upang mapaunlad at mapagtibay ang produksyon at seguridad ng pagkain, hindi lamang sa mga probinsya, pati na rin sa buong bansa. Sinigurado din niya sa mga PDC na ang PRDP 4A ay bibigyan sila ng mabilis at makabuluhang suporta kung sila man ay magkaroon ng proyekto sa ilalim ng PRDP Scale-Up.

Ang PRDP Scale-Up ay ang mas pinalawak na bersyon ng PRDP na naglalayong paunlarin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpopondo at pagtatayo ng mga proyektong imprastraktura at enterprise na magbibigay ng ibayong pansin sa clustering at consolidation strategies, climate resilience, at sa industriya ng palay at mais. ### (Myrelle Joy Bejasa, PRDP 4A InfoACE)