Presyo ng mga pangunahing bilihin, patuloy na binabantayan ng DA-4A
Isinagawa ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang Regional Bantay Presyo Team Meeting (RBPTM) kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), noong ika-18 ng Hunyo sa Argosino Hall, LARES Compound, Brgy Marawoy, Lipa City, Batangas.
Ayon kay OIC Regional Executive Director, Engr. Redelliza A. Gruezo, mahalaga na nakikita ng bawat kaisa sa implementasyon ng bantay presyo ang sitwasyon ng mga commodity sa mga pamilihang bayan, ganundin ang lagay ng produkyon at kung paano ito nakakaapekto sa mga magsasaka. Ito ay kaugnay na patuloy na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa rehiyon at matunghayan ang ulat sa sitwasyon ng presyo at kasapatan ng suplay ng bigas, mais, high value crops, at livestock.
Kabilang din sa naging talakayan ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng agrikultura, estado ng African Swine Fever (ASF) at Avian Influenza, at iba pang mahahalagang pananim para sa buwan ng Enero hanggang Mayo 2026 na inilahad ng AMAD at Banner programs ng ahensya, at pati na rin ang paggalaw ng presyo ng mga bilihing pang-agrikultura na ibinahagi naman ng PSA, BFAR, at FPA. Upang mapanatili ang katatagan ng suplay at protektahan ang mga mamimili, ipatutupad ang mas mabilis na pagbabahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng Daily Price Index at mga Text Blast System na direktang maghahatid ng tamang presyo sa merkado at farm gate sa publiko.
Sa huli, pinag-usapan ng mga kalahok ang nilalaman ng polisiya at patakaran sa Food Lane Project na dapat sundin upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbiyahe ng mga produktong agrikultura sa rehiyon.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) OIC-Chief, G. Justine Marco M. Vivas sa mga tanggapan na dumalo sa idinaos na aktibidad at sa iba pang mga kawani ng DA CALABARZON na nag-ulat ukol sa lagay ng presyo sa rehiyon.






All content is in the public domain unless otherwise stated.