Programa sa paghahayupan sa CALABARZON, tinalakay ng DA-4A, LGU ng rehiyon
Tinalakay sa isang consultation workshop ang estado at mga programang nakatuon sa paghahayupan sa rehiyon sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A Livestock banner program noong ika-2 hanggang ika-3 ng Hunyo sa Argosino Hall, LARES Compound, Lipa City, Batangas.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan sa limang probinsya ng rehiyon kabilang ang mga provincial veterinarian. Dito ay iprinesenta ang estado ng implementasyon ng mga programa, aktibidad, at proyekto para sa taong 2026; mga nakapaloob sa Executive Order 116 o Minimum Access Volume; panuntunan kaugnay sa Swine Repopulation Project, estado ng Avian Influenza at African Swine Fever; at proposal sa ilalim ng Animal Industry Development and Competitiveness Act (RA No. 12308) para sa susunod na taon.
Naging daan ang aktibidad upang maipahatid din ang mga karanasan at lagay ng pagpapatupad ng mga programa sa hanay ng mga bayan at lungsod sa probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Gayundin, naibahagi ang mga hamon na kinakaharap ng mga kawani sa pakikipag-ugnayan nila sa mga naghahayupan sa kani-kanilang nasasakupang lugar upang mabigyan ng tugon at kasagutan ng mga naging tagapagsalita.
Ayon kay OIC-Regional Executive Director, Engr. Redelliza A. Gruezo, kilala ang CALABARZON sa sektor ng paghahayupan kung kaya’t hindi maiiwasan ang mga hamong kinakaharap nito. Gayunpaman aniya, sigurado namang makakayanang itong pagtagumpayan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga pamunuan.
Naging tagapagsalita sina Dr. Zeny Diana Delos Santos ng DA- National Livestock Program, Dr. Wilmer Faylon, OIC-Chief ng Research Division at Livestock Program Coordinator, Dr. Jerome Cuasay, Regulatory Division Chief, at Diana Rose Abas, Livestock Program Alternate Focal Person. Inaasahang ang patuloy na komunikasyon at koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang mas paigtingin ang pagpapalakas ng industriya ng paghahayupan sa rehiyon at mas episyenteng implementasyon ng mga programa ng Kagawaran.####






All content is in the public domain unless otherwise stated.